--Ads--

CAUAYAN CITY- Iginiit ng Public Order and Safety Division (POSD) na karamihan sa mga nahuhuling kolorum na tricycle driver sa lungsod ng Cauayan ay ipinagpipilitan na hindi na nila kinakailangan pang magpa renew ng kanilang prangkisa.

Ito ay sa pag-aakala na ang Ordinansa tungkol sa panukalang yearly renewal ng prangkisa ay nangangahulugan na libre na ang mamasada kahit hindi nag renew ngayong taon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi niya na malinaw naman ang panukalang yearly renewal o taunang renewal ng prangkisa at hindi aniya lubos malaman ng POSD kung bakit hindi pa rin ito maunawaan ng mga motorista.

Bagaman hindi pa epektibo sa lungsod ang panukala ay marami na ang hindi nakakaunawa rito.

--Ads--

Sa ngayon ay nanatiling 3 years pa rin ang renewal ng prangkisa ng mga namamasadang tricycle.

Dahil dito, marami sa mga motorista ang naguluhan sa pagpapa renew dahilan ng pagkakahuli sa tinatayang nasa 2% na mga motoristang walang prangkisa mula sa mahigit 5,000 na bilang ng tricycle drivers sa lungsod.

Ayon pa kay POSD Chief, may mga pagkakataon pang sinisisi ang lokal na pamahalaan sa umano’y hindi epektibong pagsasapubliko ng mga impormasyon, ngunit hindi aniya ito valid na rason para iwasan ng mga tricycle drivers ang kanilang pananagutan tuwing sila ay nahuhuli.