--Ads--

Hinihintay na lamang ng Public Order and Safety Division (POSD) Cauayan City kung may ibabang kautusan ang Department of Transportation (DOTr) kaugnay sa posibleng pagbabawal sa mga e-trikes at e-bikes sa mga national highways.

Ayon kay POSD Chief Pilarito Mallillin sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, handa ang kanilang tanggapan na ipatupad ang anumang kautusan ng DOTr, ngunit iginiit niya na mahalaga ang tamang impormasyon at abiso sa publiko bago simulan ang paghuli sa mga lalabag.

Sa kabila ng wala pang pinal na patakaran, patuloy ang POSD sa paunang pagsusuri at pagsita sa mga gumagamit ng e-trikes at e-bikes sa pambansang lansangan. Aniya, napakadelikado ng pagpasok ng maliliit na sasakyan sa kalsadang dinisenyo para sa mas malalaki at mas mabilis na sasakyan, dahil maaari itong magdulot ng aksidente o sagupaan sa trapiko.

Una nang nagkaroon ng plano ang lokal na pamahalaan na ipagbawal ang mga e-trike at e-bike sa mga national highways, subalit naantala ang implementasyon dahil sa ilang kadahilanan, kabilang ang kakulangan sa tamang koordinasyon at abiso sa publiko.

--Ads--

Ang POSD ay nanawagan sa mga motorista na maging maingat at sumunod sa mga umiiral na batas trapiko habang naghihintay ng opisyal na kautusan mula sa DOTr.