Tiniyak ng Public Order and Safety Division (POSD) ang kanilang kahandaan para sa Miss Tourism Philippines na gaganapin sa Lungsod ng Cauayan ngayong Oktubre.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi niyang handa na sila para sa pagdaraos ng Miss Tourism Philippines sa lungsod ng Cauayan.
Aniya, ilang beses na silang nagsagawa ng pagpupulong kasama ang Incident Management Team bilang paghahanda ng POSD, katuwang ang PNP Cauayan, para sa pagbibigay ng seguridad at traffic control.
Dagdag pa niya, kung hindi na magbabago ang venue, may mga itinalaga nang parking areas ang POSD, kabilang na ang Our Lady of the Pillar Parish Church at iba pang lugar sa poblacion.
Bilang bahagi ng pagtitiyak sa seguridad, inaasahang full force ang mga tauhan ng POSD na aktibong magbabantay. Maliban dito, may dagdag na pwersa mula sa PNP, CDRRMO, mga Barangay Police, Kabalikat, at Kaakibat, isang principal group na tumutulong sa POSD tuwing may malalaking event sa lungsod.
Pinapaalalahanan ng POSD ang mga manonood na iwasang magdala ng mamahaling gamit gaya ng alahas at malaking halaga ng pera upang makaiwas sa mga posibleng magnanakaw.











