Nakibahagi ang 48 na personnel ng Department of Education (DepEd) Region 2 sa isinasagawang Summit sa Metro Manila na may kaugnayan sa posibilidad ng pagpapalawig ng MATATAG Curriculum.
Setyembre 23 nang sinimulan ang pilot implementation ng MATATAG Curriculum sa pitong Rehiyon sa bansa kabilang na rito ang Schools Division Office ng Cauayan City at Isabela sa Rehiyong Dos.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Octavio Cabasag, Chief Education Program Supervisor ng Deped Region 2, sinabi niya na naimbitahan ang lahat ng Regional Offices ng DepEd sa Pilipinas upang mapag-usapan ang mga naging karanasan ng mga paaralan na sumailalim sa revised K to 10 curriculum.
Sa ilalim ng naturang curriculum ay mas bumaba ang bilang ng learning areas ng mga lower grades. Pagdating naman sa Strengthened senior high school ay naging dalawa na lamang ang pangunahing track, ito ay ang Academic, at Technical Professional (TechPro).
Sa pamamagitan ng naturang summit ay matutukoy kung pwede na bang iimplementa ang revised k to 10 curriculum at Strengthened Senior High School sa lahat ng paaralan sa bansa.











