Mahigpit na pinababantayan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga ahensiya ng gobyerno ang posibleng digital threats sa nalalapit na midterm elections sa Lunes, Mayo 12.
Ito ay para masiguro ang payapa, malinis at patas na resulta ng eleksyon.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary and Palace Press Officer Claire Castro, na mahigpit ang koordinasyon ng Department of Information and Communications Technology (DICT) Cybercrime Investigation at Coordinating Center (CICC) sa Commission on Elections (Comelec).
Layon aniya ng ugnayan na mabantayan ang integridad ng eleksyon sa pamamagitan ng pagtugon sa digital security concerns.
Paliwanag pa ni Castro na ang DICT at Comelec partnership ay magtatatag ng real time digital command center para mamonitor, tukuyin, pigilin, at tapusin ang online misinformation and disinformation.
Ang nasabing hakbang ay naglalayon din na i-promote ang mapayapa at transparent electoral process na siya rin commitment ng administradyon para masiguro ang credible election environment para sa hinaharap ng bansa.
Bilang hakbang na rin aniya ng gobyerno nagtatag ang Comelec ng Task Force Katotohanan, Katapatan, at Katarungan sa Halalan (Task Force KKK sa Halalan), na siyang naatasan para mag-monitor at tumugon sa anumang banta sa halalan at mag-o-operate sa loob ng dalawang araw hanggang eleksyon para masiguro ang maayos at mapapagkatiwalaang pagsasagawa ng eleksyon.











