CAUAYAN CITY- Nagpahiwatig si House Speaker Pantaleon Alvarez na maaaring hindi na matuloy ang nakatakdang Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa October 23, 2017.
Ito ay sa kabila ng pahayag ng Commission on Elections na handa ang kanilang hanay para sa Barangay at SK Elections.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan inihayag ni Kinatawan Alvarez na malaki ang pagkakataon na hindi matuloy ang halalan.
Ito ay makaraang nauna nang nagmungkahi si Pangulong Rodrigo Duterte na hindi na matutuloy ang barangay at SK elections
Si House Speaker Alvarez ay nanguna sa isinasagawang exposure trip ng humigit kumulang 100 mambabatas ng KAMARA ay nagtungo ngayong araw sa Isabela upang kanilang makita ng personal ang mga kalagayan ng mga infrastructure projects sa Hilagang Luzon.
Ang anim na araw na paglalakbay ng mga kongresista ay nagsimula noong araw ng Miyerkoles kung saan unang pinuntahan ang Agoo, La-Union at iba pang bahagi ng Ilocos Region.
Matapos magtungo dito sa Isabela ay sumunod na nagtungo ang pangkat ng mga kongresista sa lalawigan ng Quirino at isusunod ang ilan pang bahagi ng Northern Luzon.
Ilan lamang sa mga sumamang kongresista sa exposure trip ay sina House Majority Leader Rodolfo Fariñas, House speaker Pantaleon Alvarez, Ilocos Sur Representative Eric Singson, Cong. Reynaldo Umali, Cong. Lucy Torres Gomez at maraming iba pa.
Sakay ang mga mambabatas sa 30 Sport Utility Vehicle (SUVs) at apat na bus na umiikot ngayon sa Hilagang Luzon.




