CAUAYAN CITY- Nagsagawa ng wage consultation ang Department of Labor and Employment (DOLE) Region 2 sa lungsod ng Santiago para sa mga manggagawa at employer.
Tinalakay rito ang kasalukuyang wage update na 610 – 645 pesos para sa mga non agricultural, at 573 – 608 pesos naman para sa mga nasa agricultural sector.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Jesus Elpidio Atal ng DOLE Region 2, sinabi niya na isinagawa nila ang wage consultation para malaman kung magkano ang itataas sa sahod ng mga manggagawa kung sakaling magkaroon ng panibagong wage increase.
Mag- iisang taon na rin aniya simula nang magkaroon ng wage increase kaya ngayon ay muling pag-aaralan ang tamang sahod ng mga manggagawa.
Ipinatawag ang mga employers na siyang posibleng maaapektohan sa wage increase upang malaman ang kanilang kakayahan sa pagpapasahod ng kanilang mga empleyado.
Naging maayos naman umano ang konsultasyon.
Samantala, aniya dahil sa isinusulong na pagbabawas ng holiday sa bansa, nakikitang maaapektohan dito ang mga monthly paid employees
Sa halip kasi na nakaka- double pay at nakakatanggap ng holiday pay ang mga empleyado ay magiging normal na araw na lamang umano ito.
Sa pagkakataong ito ay hindi rin umano masyadong mararamdaman ang wage increase kung sakali.
Ngunit hindi naman umano nakikitang maaapektohan ang mga daily paid employees.