
CAUAYAN CITY – Ipinaliwanag ng isang general medicine doctor ang gamot na Dexamethasone gayundin ang mga puwede nitong idulot sa katawan ng isang tao.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Melanio Lazaro, general medicine doctor at co-anchor sa programang Doktor Bombo, sinabi niya na ang Dexamethasone ay isang klase ng steroid.
Ang trabaho ng steroid ay halos parehas lamang sa mga naiinom o ini-inject na steroid.
Inihalimbawa niya ang metabolismo ng mga pagkain tulad ng protina, carbohydrates at fats na mataas ang naibibigay na steroid sa katawan ng tao.
Magagamit aniya ang mga ito para magkaroon ng lakas ang katawan ng isang tao.
Isa pa na trabaho nito ay ang pagmintina sa tubig sa katawan ng tao at sa mga mahlagang elemento sa katawan ng tao tulad ng sodium, potasium at calcium.
Magagamit din ito sa iba’t ibang sistema sa katawan ng tao tulad ng respiratory system, immune system at nervous system.
Ayon kay Dr. Lazaro, maraming gamit ang Dexamethasone gaya sa mga namamagang katawan ng tao para makontrol ang sakit, puwede rin itong gamitin para maiwasan ang allergic reaction gayundin sa mga allergic air diseases tulad ng asthma.
Ginagamit din ito sa paggamot ng iba’t ibang cancer at kung may problema naman sa adrenal gland ng isang tao ay puwede rin itong gamitin.
Ayon kay Dr. Lazaro, isa sa kontrobersiyal ay ang anti-inflammatory effect nito na hindi pangkaraniwang reaksyon sa katawan ng isang tao.
Sa kabila aniya ng mga magagandang naidudulot nito sa katawan ng isang tao ay nagdudulot din ito ng mga hindi magandang epekto tulad ng pagiging magana sa pagkain, magiging irritable at puwedeng mahirapan sa pagtulog, pamamaga o pagmamanas, pananakit ng sikmura.
Posible ring manghina ang pasyente kung palaging gagamit ng Dexamethasone at pagtaas ng level ng asukal sa katawan ng tao.




