--Ads--

CAUAYAN CITY – Nag-viral sa social Media ang post ng isang guro na nagbigay inspirasyon sa marami matapos niyang ilunsad ang project crayola na layuning matulungan ang mga estudyante na walang pambili.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Velcher Castillo, guro ng Grade 8 sa isang unibersidad sa Lunsod ng Santiago, sinabi niya naisip niyang gawin ang proyekto matapos lagyan ng isa niyang estudiyante ang mensahe ng kanyang ginawang art work na walang kulay.

Humingi ng paumanhin ang estudyante na hindi niya nalagyan ng kulay ang kanyang drawing dahil wala siyang pambili ng krayola.

Sa halip na kulay ay isinulat na lang ng mag-aaral ang mga katagang blue, orange at yellow na dapat sanang kulay ng kanyang drawing.

--Ads--

Ipinost ni Ginoong Castillo ang artwork at mensahe ng estudiyante gayundin ang kanyang sagot.

Bumili rin siya ng krayola na ibibigay sa mag-aaral para may gagamitin sa mga susunod na aktibidad na gagamitan ng kulay.

Naging viral sa social media ang kanyang post na umani ng iba’t ibang komento.

Marami rin ang naawa sa estudiyante at nagbigay ng tulong.

Ayon kay Ginoong Castillo, may nagbigay ng pre-paid wifi na magagamit ng estudyante sa kanilang online class.