--Ads--

CAUAYAN CITY – Isinagawa ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan ang Oplan Baklas o pagtanggal sa mga campaign materials na nakalagay sa mga ipinagbabawal na lugar sa Cauayan City.

Unang nagtipun-tipon ang mga kasapi ng Public Order and Safety Division (POSD), Cauayan City Police Station, Bureau of Fire Protection (BFP) at City Economic Enterprise Management and Development Office (CEEMDO) sa pangunguna ni City Election Officer Jerby Cortez upang pag-usapan ang mga lugar na kanilang pupuntahan para tanggalin ang mga campaign posters na inilagay sa ipinagbabawal na lugar.

Tatlong grupo ang naatasang magbaklas sa bahagi ng Alinam, Tagaran at sa San Fermin, Cauayan City.

Karamihan sa mga tinanggal ay posters ng mga national candidates na inilagay sa hindi tamang lugar maging sa mga puwesto ng mga maglalako at sa mga pribadong lugar tulad ng mga bakod ng bahay.

--Ads--

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Edwin Asis, City Economic Enterprise Management and Development Officer, sinabi niya na ang mga natanggal na campaign posters ay maaaring kunin o isauli sa mga may-aring kandidato.

Hindi nila pinakikialaman at tinatanggal ang mga posters na walang nakalagay na kandidato ang isang personalidad ngunit ito ay kinuhanan ng larawan at kapag nagsimula na ang kampanya sa lokal na level ay babaklasin na ang mga ito.

Ayon kay Ginoong Asis, batay sa panuntunan ng Comelec, hindi bawal ang paglalagay ng posters sa mga pribadong lugar tulad ng mga bahay  ngunit may designated area para sa mga ito na dapat nilang paglagyan.

Ang problema aniya sa mga inilalagay sa mga pribadong lugar ay hindi na tinatanggal pa kahit tapos na ang halalan at dagdag na basura pa sa komunidad.

Upang maiwasan na ang paulit-ulit na pag-iikot ng team sa pagbabaklas ay irerekomenda nilang tumulong ang mga barangay official sa pagmonitor sa kanilang nasasakupan at agad nang matanggal ang mga poster na nasa ipinagbabawal na lugar.

Pinaalalahanan din ni Ginoong Asis ang publiko na maging responsable rin sa mga nakikitang campaign materials na nasa ipinagbabawal na lugar na tanggalin o i-report sa mga otoridad upang ito ay matanggal.

Ang pahayag ni Ginoong Edwin Asis.