--Ads--

Bumaba ang power rate ng Isabela Electric Cooperative 1 (ISELCO 1) ngayong buwan ng Mayo dahil sa pagbaba ng generation charge mula sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) at Power Sector Assets and Liabilities Management (PSALM).

Ang total generation mix para sa power rate ngayong buwan ay bumaba ng P 0.8751/ kWh, ibig sabihin, ang per kWh ngayon sa Residential consumer ay Php 9.1479 sa low voltage consumer ay Php 8.2724, at sa high voltage consumer naman ay Php 6.9566.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Supervisor Laarni San Antonio, ang Branch Office Supervisor ng Iselco 1-Cauayan Branch, sinabi niya na sa kabila ng pagbaba ng power rate ngayong buwan ay marami pa rin ang nagrereklamo kung bakit mas lalo pang tumaas ang kanilang babayaran.

Katwiran aniya ng mga consumer na hindi naman sila nagdagdag ng kanilang appliances kaya nagtataka sila kung bakit doble at triple ang itinaas ng kanilang babayaran.

--Ads--

Ayon naman sa pagpapaliwanag ng ISELCO 1, kahit hindi magdagdag ng appliances ay posible talagang tumaas ang babayaran lalo na ngayong mainit ang panahon na halos hindi na pinapatay ang mga bentelasyon tulad ng aircon at electricfan.

Sa kabila naman nito ay nasa 20% ang hindi pa nakakapag bayad ngayon ngunit tiyak naman umanong hahabol ang mga residente sa pagbayad dahil takot silang maputulan ng kuryente ngayong mainit ang panahon.