CAUAYAN CITY – Nasa walong barangay na lamang ng Jones Isabela ang wala pang tustos ng kuryente matapos masira ang linya sa pananalasa ng Super Typhoon Pepito.
Batay sa datos ng Isabela Electric Cooperative o ISELCO 1 nasa walong barangay pa ang hindi napapailawan ng kanilang restoration team dahil sa lawak ng pinsala na naitala sa pananalasa ng bagyo.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Manuel Cabungcal Jr., Municipal Administrator ng Jones Isabela sinabi niya na ang mga barangay na ito ay sa forest region kinabibilangan ng Dicamay I, Dicamay II, Villa Bello, Namnama, Sta Isabel, Minuri, Napaliong at Sto. Domingo.
Tumutulong na rin sa restorasyon ng mga nasirang linya ng kuryente ang ilang team na mula sa Nueva Ecija Electric Cooperative upang mapabilis ang operasyon at maibalik na ang tustos ng kuryente sa buong bayan.
Malaki naman ang naitulong ng mga solar panels na ipinamahagi ng lokal na pamahalaan lalo na sa mga malalayong barangay.
Aniya nagamit ito bilang charging stations ng mga residente at kawani ng barangay para sa kanilang reporting sa pamahalaang bayan sa mga nangyayari sa loob ng kanilang nasasakupan.
Tiniyak naman niya na sa loob ng dalawa hanggang tatlong araw ay inaasahang matatapos na ang restorasyon sa mga linya lalo na at tumutulong na rin ang ilang residente sa clearing operation sa mga linya ng kuryente.