Nasa 95.24% na ang lebel ng power restoration sa Jones, Isabela habang fully restored na ang lahat ng bayan at lungsod na nasasakupan ng Isabela Electric Cooperative o ISELCO 1.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay ISELCO 1 General Manager Glen Mark Aquino, sinabi niya na bagama’t accessible na sa ngayon ang mga kalsada dahil sa paghupa ng baha ay hirap naman ang kanilang mga Linemen na tunguhin ang forest region ng Jones dahil sa terrain na dinadaanan ng kanilang restoration team.
Gayunpaman ay naka-deploy naman ang kanilang hanay sa mga lugar na hindi pa rin napapailawan.
Inaasahan namang maibabalik na ang tustos ng kuryente sa mga barangay level ngayong araw o hanggang bukas habang inaasahan namang matatapos ang restoration sa mga household level pagsapit ng weekend.
Nilinaw naman niya na temporary lamang ang pagbabalik ng tustos ng kuryente dahil magkakaroon pa umano ng serye ng power interruption kapag na sinimulan na ang konstruksyon sa bagong linya ng ISELCO 1.
Target kasi nilang palitan ng bago ang mga hindi na pwedeng gamitin na linya upang matiyak na matibay ang mga ito at hindi basta masisira kapag may bagyo.
Samantala, nakatakda naman silang magpadala ng karagdagang pwersa para tumulong sa power restoration sa Lalawigan ng Aurora.