Nakatakda nang ipawalang-bisa ng pamahalaang panlungsod ng Cauayan ang kasunduan nito sa Primark/LKY pagdating sa pamamahala nito sa pamilihan sa Lungsod.
Ito ay matapos aprubahan ng Cauayan City Council ang ordinansang nagkakansela sa prangkisa ng naturang kumpanya sa pamamahala sa naturang palengke.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sanguniang Panlungsod Member Paulo Eleazar Delmendo, sinabi niya na maraming hindi sinunod ang Primark sa kasunduan at marami umano itong violation kaya kinailangan itong bawiin ng pamahalaang lokal.
Kung matatandaan, sunod-sunod ang natatanggap na reklamo ng LGU mula sa mga tenant pagdating sa pagbabayad ng joining fee at iba pang gastusin na sinisingil ng management maging ang hindi pagkakaroon ng proper waste management at drainage canal na nakaaapekto sa hanap-buhay ng mga nagtitinda roon.
Malaking salik din dito ang hindi pagbabayad ng kumpanya ng kanilang real property tax na umabot na ng ₱56 Milyon.
Kapag napawalang-bisa na ang kasunduan ay pormal na itong pamamahalaan at popondohan ng Local Government Unit ng Cauayan City na upang mas maiayos ang lahat ng problema sa pamilihan.
Ayon kay Delmendo, batay sa huling pahayag ng pamunuan ng Primark ay nagpahayag sila ng kagustuhang pamunuan pa rin ang ilang bahagi ng naturang establishimento pangunahin na sa dry area at tanging ang itu-turn over lamang nila ay ang wet section, gayunman ay hindi pa ito pinal.
Tiniyak naman niya na minimal lamang ang babayaran ng mga vendors sa pamilihan kaya magiging kaginhawaaan ito para sa mga nagtitinda roon.
Tututukan din nila ang kalinisan ng palengke sa pamamagitan ng pagsasaayos ng waste management at drainage canal upang maiwasan na rin ang pagbaha sa pamilihan na isa sa mga problemang nararansan tuwing may malakas na pag-ulan.











