--Ads--

‎Kasalukuyang isinasagawa ang isang prayer rally ngayong alas-4 (kwatro) ng hapon sa St. James the Apostle Parish Church bilang pakikiisa sa panawagan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) kaugnay ng paggunita sa ika-apatnapung (40) anibersaryo ng EDSA People Power Revolution.

‎Sa Panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Fr. Antonio Ibarra Ancheta, Parish Priest ng nasabing parokya, layunin ng pagtitipon na ipanalangin ang bansa, ipahayag ang adhikain para sa katotohanan, pananagutan at mabuting pamamahala, at paigtingin ang pagkakaisa at sama-samang pagkilos ng simbahan at mamamayan.

‎Inaasahan umano ang pagdalo ng humigit-kumulang dalawang daang (200)  katao mula sa iba’t ibang simbahan at faith communities, kabilang ang mga lider-pananampalataya, layko, kabataan at kinatawan ng iba’t ibang sektor.

‎Bahagi ng programa ang candle lighting at pagsasabit ng mga puting ribbon bilang simbolo ng panalangin, pagkakaisa at paninindigan para sa kapayapaan at katotohanan.

--Ads--

Samantala, nagpaabot din ng paanyaya si Fr. Ancheta sa mga mananampalataya at mamamayan ng Santiago City na makiisa  at sama-samang ipanalangin ang bansa at ipakita ang patuloy na paninindigan para sa katotohanan at mabuting pamamahala.