--Ads--

CAUAYAN CITY – Patuloy ang panghihikayat ng Philippine Red Cross Isabela Chapter sa mga blood donors na ipagpatuloy ang pagdo-donate ng dugo ngayong naitala na ang ilang nagkakasakit ng dengue fever sa Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PRC Isabela Administrator Josie Stephany Cabrera, sinabi niya na mula buwan ng enero ay tuloy tuloy ang kanilang mga Blood Letting Activities.

Aniya Whole blood ang kailangan kapag bumaba ang Hemoglobin Level ng pasyenteng tinamaan ng Dengue subalit kadalasang platelet ang nauunang bumababa sa mga kaso ng dengue.

Ang mga bagong nakolektang dugo ang maaaring makunan ng platelet  dahil tumatagal lamang ito ng tatlo hanggang limang araw kumpara sa whole  blood na tatagal ng mahigit tatlumpung araw.

--Ads--

Dahil dito ay pinapayuhan ang mga pasyenteng magdala ng blood donor para agad na maihiwalay ang platelet at maisalin rin sa pasyente.

Karaniwang pinaghahandaan ng PRC Isabela ang tinatawag na dengue season tuwing buwan ng Hulyo at Agosto subalit dahil sa climate change ay naitatala na rin ang dengue cases pagpasok pa lamang ng buwan ng enero.

Patuloy ang paalala ng PRC na bukas ang kanilang tanggapan para sa mga walk-in donors pangunahin na ang mga regular blood donors na bumabalik sa kanila upang muling magdonate pagkalipas ng tatlong buwan.

Sa katunayan ay naglunsad sila ng blood letting activity kung saan nakakolekta sila ng mahigit siyamnapung blood bags.

Ang naturang mga blood bags ay maidaragdag sa nakaimbak na mahigit isang daang blood bags sa PRC Isabela blood bank.