CAUAYAN CITY- Nilinaw ng pamunuan ng National Irrigation Administration – Magat River Integrated Irrigation System na minimal lamang ang epekto ng pinakawalan nilang tubig mula sa Magat Dam.
Matatandaan na kahapon, ika-27 ng Disyembre ay nagbukas sila ng isang Spillway Radial Gate ng Dam na mayroong isang metrong opening upang bigyang daan ang mga pag-ulang nararanasa sa lalawigan ng Isabela dahil sa Amihan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Carlo Ablan, Manager ng Dam and Reservoir Division, sinabi niya na walang kinalaman ang pagpakawala nila ng tubig sa mga nangyayaring pagbaha sa Downstream partikular sa lalawigan ng Cagayan.
Aniya, kahapon lamang sila ng alas dose ng tanghali nagpakawala ng tubig at sa oras na iyon ay mayroon nang nararanasang pagbaha sa naturang lalawigan.
Nilinaw niya na matapos silang magpakawala ng tubig ay aabutin pa ito ng halos isang araw bago marating ang bahagi ng Cagayan.
Sa ngayon ay wala namang posibilidad na magdagdag pa sila ng bubuksang gate dahil patuloy ang ginagawa nilang monitoring sa water level ng Magat River dahil hangga’t mataas ang antas ng tubig sa mga ilog ay hindi na sila magdaragdag ng papakawalang tubig.