--Ads--

Ipinag-utos ng Sandiganbayan Second Division ang precautionary hold-departure order (PHDO) laban kay Benguet Rep. Eric Yap at sa kanyang kapatid na si dating ACT-CIS party-list Rep. Edvic Yap, habang iniimbestigahan sila ng Office of the Ombudsman kaugnay ng kasong malversation at graft na may kinalaman sa umano’y flood control scandal.

Ang utos ay hiling ng Ombudsman upang matiyak na hindi makalalabas ng bansa ang mga respondent na itinuturing na “flight risks” habang isinasagawa ang preliminary investigation sa reklamong inihain ni DPWH Secretary Vince Dizon.

Tinukoy ni Dizon si Cong. Yap bilang “person of interest” matapos lumabas sa imbestigasyon na siya umano ang beneficial owner ng Silverwolves Construction Corp., na nakakuha ng mahigit ₱16 bilyon na proyekto mula 2022 hanggang 2025.

Ayon kay Dizon, may impormasyon mula kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong hinggil sa koneksyon ni Yap sa naturang kompanya.

--Ads--

Posibleng nilabag ng magkapatid ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act (RA 3019) at malversation of public funds na may kasamang falsification of public documents.

Noong Disyembre 2025, inanunsyo ni Pangulong Marcos na na-freeze ng korte ang mga bank account at ari-arian ng Yap brothers, pati na ang mga kumpanyang Silverwolves Construction at Sky Yard Aviation Corp.

Ayon sa Anti-Money Laundering Council, nakatanggap si Yap ng malaking halaga mula sa mga kontraktor na sina Pacifico at Cezarah Discaya.

Samantala, nagsimula na rin kahapon ang paglilitis sa malversation case laban kay dating kongresista at ngayo’y puganteng si Zaldy Co at 15 pang akusado kaugnay ng ₱289.5-milyong flood control project sa Oriental Mindoro.

Siyam sa mga akusado ang dumalo sa unang araw ng paglilitis sa Sixth Division ng Sandiganbayan.

Si Co ay idineklara nang fugitive ng korte.

Ipinrisinta ng prosekusyon si Oriental Mindoro provincial engineer Edylou Tejido bilang testigo.

Dumalo rin ang ilang opisyal ng DPWH-Mimaropa sa paglilitis.