CAUAYAN CITY- Nagsagawa ng Pre-Disaster Risk Assessment ang Local Disaster Risk Reduction Management Office ng Palanan, Isabela upang paghandaan ang posibleng maging epekto ng bagyong Marce.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay John Bert Neri ng MDRRMO Palanan, sinabi niya na sa ngayon ay naka-preposition na sila ng family food packs sa bawat barangay ng naturang bayan.
Mahigpit naman nilang mino-monitor ang apat na coastal barangay na maaring ma-isolate kung sakaling tumaas ang antas ng tubig sa ilog.
Magsasagawa naman sila ng preemptive evacuation sa mga residente na nakatira sa low lying areas pangunahin na ang mga nasa tabing dagat.
Sa ngayon ay nakataas na ang No Sailing Policy sa kanilang bayan upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente pangunahin na ang mga mangingisda.
Pinaalalahanan naman niya ang publiko na mag-doble ingat at tiniyak na laging bukas ang kanilang tanggapan upang tumugon sa pangangailangan ng mga maapektuhang indibidwal.