CAUAYAN CITY – Personal na binisita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang lalawigan ng Cagayan na lubhang naapektohan ng bagyong Marce.
Kasabay nito ay inabot din ng pangulo ang tig-P10 milyon sa pitong lokal na pamahalaan ng Cagayan para sa mga nasalanta ng bagyong Marce.
Kabilang dito ang mga bayan ng Buguey, Baggao, Santa Ana, Gonzaga, Aparri, Santa Teresita, at Sanchez Mira.
Ayon kay Pangulong Marcos, bagamat may mga ulat mula sa mga kalihim ng ibat-ibang kagawaran sa pinsala ng bagyo ay personal itong bumisita upang malaman ang sitwasyon at pagpapatupad ng agarang rehabilitasyon.
Tiniyak naman niya ang tulong na ipapamahagi rin sa mga magsasakang nasiraan ng pananim dahil sa hagupit ng bagyo.
Hinikayat rin ng Pangulong Marcos ang mga opisyal ng mga pamahalaang lokal na ipagbigay alam lamang sa kaniyang tanggapan kung ano pang tulong ang kailangang ibahagi para pagbangon ng mga naapektohan ng bagyo