--Ads--

Nakipagkita si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga Pilipino sa Busan bilang bahagi ng kanyang pagbisita sa South Korea para dumalo sa 32nd Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Economic Leaders’ Meeting (AELM). Agad niyang pinahalagahan ang oras na makasama ang Filipino community sa rehiyon upang iparating ang pasasalamat ng buong bansa sa kanilang sakripisyo at dedikasyon sa trabaho.

Binanggit ng Pangulo ang kahalagahan ng APEC sa pagpapadali ng negosyo sa Pilipinas, na nagdudulot ng mas maraming trabaho, oportunidad, at matibay na ekonomiya para sa mga pamilya. Mahalaga rin ito para sa edukasyon at skills exchange, kung saan nabibigyan ng pagkakataon ang kabataan sa pagsasanay at scholarship, lalo na sa digital skills, agham, at teknolohiya.

Ipinahayag din na sa mga susunod na buwan ay magsisimula ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa paghahanda ng pagtatayo ng Philippine Consulate General sa Busan, na magpapadali sa mga kababayan sa rehiyon sa pagproseso ng passport, civil registry, at legal na dokumento. Bukod dito, magbubukas rin ang Social Security System (SSS) office sa Philippine Embassy sa Seoul upang mas madali ang pagproseso ng benepisyo at serbisyo.

Layunin ng Pangulo na sa kanyang pakikilahok sa AELM ay itaguyod ang mga inisyatibong direktang makaaapekto sa araw-araw na buhay ng mga Pilipino, suportahan ang MSMEs, palakasin ang digital trade, at tiyakin ang seguridad sa pagkain at enerhiya. Makikipagpulong din siya sa mga business leaders at government partners upang itaguyod ang pamumuhunan sa teknolohiya, agrikultura, at renewable energy sa Pilipinas.

--Ads--

Ayon sa administrasyon, ang pakikilahok ng Pilipinas sa APEC 2025 ay patunay ng pagiging aktibo at responsableng kasosyo sa pagtataguyod ng mas makabago, patas, at magkakaugnay na rehiyon sa Asia-Pacific. Binigyang-diin din ang patuloy na suporta at pagkilala sa kababayang Pilipino sa kanilang sipag, tapang, at pagmamahal sa pamilya at bayan.