CAUAYAN CITY – Iginiit ng presidente ng Rice Millers Association region 2 na hindi tama ang pagpapatupad ng price cap sa bigas dahil mura lang ang benta nila sa mga rice retailers ngunit pinapatungan nila ito nang malaki kaya mahal ang presyo ng bigas sa merkado.
Mali rin ang pagbibigay ng subsidiya sa mga rice retailers dahil kumikita na sila nang malaki.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginoong Ernesto Subia, Presidente ng Rice Millers Association- region 2 na hindi nararapat ang price cap sa bigas na ipinalabas ni Pangulong Bongbong Marcos.
Hindi aniya dapat pinapatawan ng price cap ang bigas at ang dapat na inirekomenda ng mga adviser ng pangulo ay iregulate lang ang presyo nito.
Aniya, kapag iregulate ang presyo ng bigas ay parehong makikinabang ang konsumer at magsasaka.
Huwag ding gamiting dahilan ang hoarding kundi dapat hikayatin ng pamahalaan ang mga rice millers na mag-imbak ng bigas para kung may krisis ay may mabibili pa rin ang mga konsumer.
Mungkahi ni Ginoong Zubia na bumili na lang sa mga rice millers ang National Food Authority o NFA at ibenta sa mga kadiwa stores.