
CAUAYAN CITY – Itinuturing ng isang political analyst na hindi pinaghandaang mabuti ang ginanap na press conference ng apat na kandidato sa pagkapangulo na itinaon pa sa Easter Sunday at nawala sa kanilang layunin na “Call for Unity”.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag Atty. Michael Henry Yusingco, political analyst na naintindihan niya ang ginawang press conference ng apat na presidential candidates na nasa pangatlo, pang-apat at panglimang puwesto sa survey upang mabuhay ang kanilang pangangampanya.
Ngunit hindi niya maintindihan kung bakit itinaon pa sa Easter Sunday ang Press Con samantalang ito ang panahon na lahat na nagpapahinga at iniisip ang muling pagkabuhay ni Jesus na kasa-kasama ang kanilang pamilya.
Sinabi ni Atty. Yusingco na tila hindi pinaghandaang mabuti ang sagot ng mga kandidato sa mga katanungan at lumabas din ang pagiging inconsistency sa layunin ng pagpapatawag ng press-con.
Halimbawa na lamang ang sinabi nina Senador Panfilo Lacson at Mayor Isko Moreno na kaya sila nagpa-press con ay dahil galit sila sa pinapalabas na balitang uurong sila at sinabi nilang walang karapatan ang sinuman na magsabi na mag-withdraw ang isang kandidato.
Ngunit maliwanag namang sinabi sa bandang huli ni Moreno na dapat si Vice Pres. Leni Robredo ang mag-withdraw na sinigundahan ni Dating Defense Secretary Norberto Gonzales.
Galit aniya silang pinapawithdraw ngunit sila mismo ay nais nilang umurong si Robredo.
Dahil maliwanag na kontra kay Robredo ang sinasabi nina Moreno, Lacson at Gonzales na nahalata ng media ay sila pa ang napipikon sa mga katanungan ng mga mamamahayag.
Ang maganda anyang gawin upang makumbinsi ang mga botante ng mga nasa number 3, 4 at 5 sa survey upang mapalitan ang bise presidente sa number 2 ay kailangan nilang magpakita ng mas maganda nilang programa.










