CAUAYAN CITY – Patuloy ang pagtaas ng presyo ng gulay sa pribadong pamilihan sa Cauayan City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Lourdes Derige, tindera ng gulay, sinabi niya na ang patuloy na pagtaas ng presyo ng gulay ay epekto ng El Niño Phenomenon.
Aniya, palagi na ang ginagawang pagpapatubig ng mga magsasaka ng gulay sa kanilang mga pananim upang maisalba ang mga ito.
Ayon kay Derige, marami na ang mga magsasakang nasiraan ng pananim na gulay dahil wala ng pag-ulan.
Malaki rin aniya ang epekto ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa paggalaw ng presyo ng gulay na pangunahing pangangailangan ng mga magasasaka sa pagpapatubig.
Sa ngayon ang talong ay mabibili sa halagang P60 kada kilo, ang kada kilo naman ng sitaw ay umabot na sa P80, ang siling pangsigang ay P60, ang upo naman ay mabibili sa halagang P25 kada piraso, ang ampalaya ay nagkakahalaga na ngayon ng P80 kada kilo, tumaas naman ang presyo ng kamatis na mabibili na ngayon sa P120.
Bumaba naman ang presyo ng sibuyas na nagkakahalaga na ngayon ng P120 kada kilo, ang luya ay mabibili ng P80 kada kilo habang wala namang paggalaw sa presyo ng bawang.