--Ads--

CAUAYAN CITY-Nakitaan ng pagtaas ang ilang gulay sa Region 2 pangunahin na ang kamatis dahil sa pananalasa ng magkakasunod na bagyo noong nagdaang taon.

Sa ngayon ay umaabot na sa 160-200 pesos ang presyo ng kamatis sa Region 2 ngunit pumapalo na ito sa 300 pesos kada kilo sa ibang lugar.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Agriculturist Arjie Baquiran ng Agribusiness and Marketing Assistance Division ng Department of Agriculture region 2, sinabi niya na umabot sa 7.6% o katumbas ng 10,761.33 metric ton ang total loss sa high value crop.

Maliban dito ay nakaapekto rin sa suplay ang nakalipas na holiday season kaya’t kinailangan na nilang magsagawa ng regional importation mula sa karatig na Rehiyon na mayroong suplay ng kamatis.

--Ads--

Sa ngayon ay nagsisimula na umanong mag-ani ng kamatis ang mga magsasaka sa karatig na Rehiyon at kung magtutuloy-tuloy ang magandang panahon ay makaka-recover na ang mga pananim na kamatis sa Region 2 na makatutulong sa pagpaparami ng suplay.

Maliban sa kamatis ay nagmahal rin ang presyo ng bell pepper na nasa 150-200 per kilo ngunit mas mababa ito kung ikukumpara sa presyo nito noong nagdaang holiday season na umabot na ng 400-500 pesos.

Inaasahan naman na pagsapit ng buwan ng Enero at Marso ay babalik na sa dating presyo ang mga gulay dahil panahon na ito ng anihan.