--Ads--

CAUAYAN CITY – Tumaas ang presyo ng kamatis at ilang gulay sa Nueva Vizcaya Agricultural Terminal Inc. o NVAT.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Gilbert Cumila, General Manager ng Nueva Vizcaya Agricultural Terminal Inc. o NVAT, sinabi niya na sa ngayon ay nasa P90 hanggang P110 ang kada kilo ng class A na kamatis sa terminal.

Isa aniya sa naging dahilan ng pagtaas ng presyo ang kawalan ngayon ng produksyon ng ilang lalawigan katulad ng Batangas, Laguna at Quezon na nagbabagsak sa NVAT.

Maari namang bumaba ang produksyon ng nasabing mga lugar dahil sa El NiƱo o maaring naapektuhan sila ng nagdaang bagyo.

--Ads--

Dahil sa kakulangan ng produksyon kaya tumataas ang presyo ng kamatis sa Maynila at karatig na lugar.

Bagamat marami ang nakapagtanim sa Nueva Vizcaya, Ifugao at karatig nitong malamig na lugar ay hindi nito kayang suplayan ang buong bansa

Kaya naman tumataas ang presyo dahil walang mabili ang ibang buyer sa ibang lalawigan at sila nagtutungo sa NVAT kung saan minsan ay wala silang mabiling kamatis dahil sa dami ng kompetisyon sa buyers.

Batay sa kanilang pagtaya, maaring abutin ng tatlong linggo o higit pa ang mataas na presyo dahil nakadipende ito sa magiging ani ng mga lalawigan sa CALABARZON.

Nilinaw naman niya na walang hoarding sa perishable crops dahil pabilisan ng pagbenta sa mga ito bago mabulok o masira.

Maliban sa kamatis, tumaas din ang presyo ng Hawaii Ginger o luya na umaabot sa P150 ang per kilo.

Tumaas din ang presyo ng pipino na nasa P60 na ang kada kilo.

Bumaba naman ang presyo ng Baguio Beans, wombok at sayote.