CAUAYAN CITY – Nananatiling mataas ang presyo ng kamatis at luya sa lungsod ng Cauayan bunsod sa kakulangan ng suplay.
Inihayag ni Pablito Quinarogan Jr., vegetable vendor na ramdam pa rin ang mataas na presyo ng mga nabanggit na gulay mula noong buwan ng Hulyo.
Bagamat bumaba ang presyo ng kamatis mula sa dating 200/kl, ngayon ay nabibili na ng 120-160/kl. Bahagya mang bumaba ang presyo ay mabigat pa rin aniya ito sa bulsa lalo pa at dating 30-50/kl lamang ito noong buwan ng Hunyo.
Posible naman aniya na makitaan muli ng pagbaba sa presyo ng kamatis sa mga susunod na araw dahil sa dumadaming suplay sa merkado.
Samantala ang presyo naman ng luya ay nananatiling mataas mula sa dating 120/kl ngayon ay nasa 160/kl na.
Inaasahan na tataas pang muli ang presyo hanggang P200/kl sa mga susunod na araw.
Ang mataas na presyo naman umano ng luya ay dahil sa mababang suplay nito sa merkado kung saan buong bansa ang apektado.