--Ads--

Patuloy ang pagtaas ng presyo ng kamatis sa mga pamilihan ng Cauayan City, kung saan naitala ang halaga ng unang klase ng kamatis na umabot sa ₱150 kada kilo noong nakaraang linggo.

‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Tatay Abraham Barulo, kwarentay singko anyos at mahigit apat na dekada nang nagtitinda ng kamatis, sinabi nitong kasalukuyang nasa ₱150 ang presyo ng first-class na kamatis, habang ang second-class ay nasa ₱70 kada kilo.

‎Para naman sa medium-sized kamatis, naglalaro ang presyo mula ₱90, ₱70, hanggang ₱60 kada kilo. Ang maliliit o mas murang klase ay binibili ng mga tindero sa halagang 20 at muling ibinebenta sa ₱40 upang magkaroon ng kita.

‎Samantala, si Nanay Teresita Bravo, limampu’t siyam na taong gulang at isang mamimili, ay nagsabing mas pinipili na lamang niyang bumili ng maliliit na kamatis dahil sa mas abot-kayang presyo nitong ₱40 kada kilo. Pinapatungan niya ito kapag muling ibinebenta upang magkaroon ng kita.
‎‎
‎Karamihan sa mga kamatis na ibinebenta sa mga palengke ng lungsod Ng cauayan ay nagmumula pa sa mga lalawigan ng Cavite at Maynila. Dahil dito, nananatiling mataas ang presyo dulot ng gastusin sa transportasyon at kakulangan ng ani na sanhi ng masamang panahon at sunod-sunod na pag-ulan.

‎Umaasa ang mga nagtitinda at mamimili tulad nina Tatay Abraham at Nanay Teresita na unti-unting bababa ang presyo ng kamatis upang mas maging abot-kaya ito para sa kanilang araw-araw na pangangailangan.