Patuloy na inaasahang tataas ang presyo ng langis sa Lunes matapos magsara noong nakaraang linggo sa pinakamataas na antas sa halos apat na taon, kasunod ng bantang pag-atake ng U.S. sa mga energy plant ng Iran.
Matatandaan na nagbanta si U.S. President Donald Trump na “buburahin” ang mga planta ng kuryente ng Iran kung hindi nito bubuksan muli ang Strait of Hormuz sa loob ng 48 oras.
Sumagot naman ang Iran na tatargetin nito ang mga pasilidad na konektado sa U.S., kabilang ang enerhiya at desalination plants sa Gulf region.
Noong Biyernes, ang Brent futures ay tumaas ng 3.26% sa $112.19 kada bariles – pinakamataas mula Hulyo 2022.
Ayon sa mga eksperto, ang ultimatum ay nagdadala ng “48-oras na kawalan ng katiyakan” sa merkado.
Sa kasalukuyan, tinatayang 440 milyong bariles ng suplay ang nawala dahil sa pagsasara ng Hormuz sa loob ng 22 araw ng digmaan.
Ang malawakang pinsala sa desalination plants ay maaari namang magdulot ng malawakang krisis sa tubig at sapilitang paglilikas sa Gulf.
Sa katunayan ang Iraq ay nagdeklara ng force majeure sa lahat ng oilfields na pinapatakbo ng dayuhang kumpanya.
Ayon sa International Energy Agency, maaaring abutin ng anim na buwan bago maibalik ang suplay mula sa Middle East Gulf.
Sa ngayon apektado ang Brent oil na nagkaroon ng +8.8% noong nakaraang linggo, WTI oil na may -0.4% kumpara sa nakaraang Biyernes at ang agwat ng presyo ng WTI kumpara sa Brent ay pinakamalawak sa loob ng 11 taon.





