--Ads--

Nagkakaroon ng lingguhang paggalaw sa presyo ng live weight at dress weight sa baboy dahil sa bahagyang pagbaba ng supply sa ilang mga Munisipalidad sa Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Veterinary Officer Dr. Belina Barboza, sinabi niya na nanatiling matatag ang supply ng baboy sa malalaking farm sa Lalawigan ng Isabela bagamat may bahagyang pagtaas sa presyo ng live weight.

Mula Disyembre hanggang Enero ay nagtaas ang presyo ng live weight mula limang piso hanggang apatnapung piso sa halos lahat ng mga bayan sa buong Lalawigan.

Pumalo na ngayon ang presyo ng live weight sa 220 hanggang 250 pesos per kilo habang may pagtaas din sa presyo ng dress weight na naglalaro sa 290 hanggang 350 per kilo.

--Ads--

Isa sa nakitang dahilan sa pagtaas sa presyo ng live weight ay ang bumabang supply o stock ng baboy na inaalagaan sa bawat Munisipyo.

Ang mga baboy mula sa mga contract grower ang kasalukuyang isinusuplay sa ilang mga bayan na may mababang produksyon ng baboy.

Umaasa naman ang Provincial Veterinary Office na makakabawi ang produksyon ng baboy sa mga darating na buwan dahil hindi naman tumitigil sa pag-aalaga ng baboy ang mga hograisers gayundin na tuluy-tuloy naman ang pagkatay at pagpasok ng mga baboy sa merkado mula sa ibang Munisipyo.

Samantala, nanatiling contained ang huling kaso ang african Swine Fever sa Bayan ng Cabagan na huling naitala noong buwan pa ng Disyembre at higit isang buwan nang walang active ASF case sa Isabela.