Inatasan ni PNP Chief Jose Melencio Nartatez Jr. ang mga lokal na pulisya na higpitan ang pagbabantay sa mga retailer ng liquefied petroleum gas o LPG upang maiwasan ang hoarding at manipulasyon sa presyo sa gitna ng kinakaharap na hamon ng bansa sa suplay ng enerhiya.
Ayon kay Nartatez, mayroon nang maayos na koordinasyon sa pagitan ng mga lokal na pamahalaan at iba pang kinauukulang ahensya upang makapagpatupad ng mga hakbang laban sa hoarding at profiteering.
Batay sa imbentaryo at arawang average na konsumo ng Department of Energy, ang liquefied petroleum gas o LPG ang may pinakamababang suplay sa bansa kumpara sa iba pang produktong petrolyo gaya ng gasolina at diesel.
Dahil dito, patuloy na mahigpit na mino-monitor ng DOE ang suplay ng LPG na tinatayang tatagal lamang ng hanggang 24 na araw, kabilang na ang mga inaasahang darating na delivery.
Nabatid din na ngayong buwan, nasa pagitan ng ₱825 hanggang mahigit ₱1,000 ang presyo ng isang regular na tangke ng LPG sa Metro Manila, ayon pa rin sa DOE.
Sa kabila nito, tiniyak ni Nartatez sa publiko na hindi ito ang panahon para mag-panic o samantalahin ang sitwasyon, dahil ginagawa na ng pamahalaan ang lahat ng kinakailangang hakbang upang matugunan ang problema. Dagdag pa niya, patuloy na kikilos ang Philippine National Police upang matiyak na napoprotektahan ang kapakanan ng mga konsyumer.











