--Ads--

Inanunsyo ng ilang negosyante sa lungsod ang pagtaas ng presyo ng Liquefied Petroleum Gas (LPG) matapos makatanggap ng abiso mula sa kanilang mga supplier.

Ayon kay Robinson John Calderon, isang business owner, inabisuhan sila kahapon, Pebrero 1, 2026, na magkakaroon ng pagtaas sa presyo ng LPG. Inaasahan umano na tumaas ang presyo ng bawat tangke ng ₱17 hanggang ₱20.

Aniya, tuwing may bumibili sa kanilang tindahan ay agad nilang ipinapaalam sa mga kostumer ang bagong presyo, dahil marami ang nagugulat. Ang dating presyo na ₱1,137 ay umabot na ngayon sa ₱1,157, depende sa brand at supply.

Binanggit din ni Calderon na inaasahan ng karamihan ng mamimili na bababa ang presyo ng LPG ngayong Enero at Pebrero, base sa nakasanayang galaw ng presyo sa mga nakaraang taon, kaya mas ikinagulat ng ilan ang anunsyo ng pagtaas.

--Ads--

Gayunman, nilinaw niya na ang kanilang lumang stock ay ibinebenta pa rin sa dating Suggested Retail Price bilang konsiderasyon sa mga suki. Subalit limitado na lamang ang natitirang lumang suplay, kaya inaasahan na mas marami nang LPG ang mabibili sa bagong presyo sa mga susunod na araw.

Samantala, patuloy namang umaasa ang mga mamimili na hindi na muling susundan ang naturang pagtaas, lalo na’t malaking bahagi ng pang-araw-araw na gastusin ng bawat pamilya ang LPG.