Nananatiling stable at manageable sa ngayon ang presyo ng mga basic necessities at prime commodities sa Region 2 sa kabila ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Angie Gumaru, Head ng Consumer Welfare Division ng Department of Trade and Industry (DTI) Region 2, sinabi nitong wala pa silang nakikitang malakihang epekto ng fuel price hike sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa rehiyon. Karamihan sa mga produkto sa mga malalaking trading centers at business establishments ay nananatiling nasa loob pa rin ng Suggested Retail Price o SRP.
Ipinaliwanag ni Atty. Gumaru na isa sa dahilan kung bakit hindi pa agad nararamdaman ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis ay dahil may buffer stock pa ang mga retailers na karaniwang tumatagal ng dalawa hanggang tatlong linggo, habang ang iba naman ay umaabot ng isang buwan. Patuloy rin ang price monitoring ng DTI sa mga piling establisyimento upang matiyak na nasusunod ang itinakdang presyo.
Tiniyak ng opisyal na kung sakaling may makitang hindi makatwirang pagtaas ng presyo sa ilang establisyimento, magsasagawa ang DTI ng pakikipagdayalogo sa mga retailers at distributors upang matukoy ang dahilan nito. Layunin nito na mapanatili ang balanse sa pagitan ng proteksyon sa mga mamimili at sa kapakanan ng mga negosyo.
Kaugnay nito, tinanong din si Atty. Gumaru kung maaari bang ipatupad ang price freeze sa mga pangunahing bilihin sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis. Ayon sa kanya, automatic lamang ang price freeze kung may deklarasyon ng state of calamity o state of emergency, alinsunod sa probisyon ng Price Act.
Dagdag pa niya, hindi kasalukuyang ipinatutupad ang price freeze para sa fuel o LPG, ngunit kung sakaling may kalamidad, saklaw ng batas ang agarang pagpapatupad nito.
Binigyang-diin ng DTI na ang kanilang pagsusuri sa presyo ay nakabatay sa SRP at sa mga previous monitored prices. Samantala, pinananatili ng ahensya ang aktibong monitoring at pakikipag-ugnayan sa mga stakeholders upang maprotektahan ang mga mamimili nang hindi naaapektuhan ang negosyo.











