Bahagyang nagtaas ng presyo ang ilang nagbebenta ng palaspas kasabay ng pagdagsa ng mga mananampalataya ngayong Linggo ng Palaspas.
Sa paligid ng mga simbahan, kapansin-pansin ang dami ng mamimili na naghahanda para sa pagsisimula ng Semana Santa, dahilan upang tumaas ang demand sa palaspas.
Sa panayam ng Bombo Radyoo Cauayan kina Florence Joy Mallilin at Jansen Balais, ilan sa mga nagtitinda ang nagtaas ng presyo ng kanilang paninda. Gayunman, iginiit nila na nananatili pa rin sa abot-kayang halaga ang kanilang ibinebentang palaspas na nasa pagitan ng ₱25 hanggang ₱30.
Dagdag pa nila, sinisikap nilang panatilihing makatwiran ang presyo upang mas maraming mananampalataya ang makabili at makiisa sa tradisyong panrelihiyon.
Sa kabila nito, patuloy pa rin ang pagdami ng mga bumibili ng palaspas, patunay ng matibay na pananampalataya ng mga Pilipino tuwing Mahal na Araw.
Inaasahan namang magpapatuloy ang mataas na demand sa mga susunod na araw kasabay ng iba pang aktibidad sa paggunita ng Semana Santa.











