--Ads--

Tumaas sa ₱31 kada kilo ang farm gate price ng tuyong palay sa ilang bahagi ng Rehiyon 2 kasabay ng kasalukuyang anihan, ayon sa Department of Agriculture Region 02.

Batay sa pinakahuling datos ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD), patuloy ang paggalaw paitaas ng presyo ng palay, partikular sa mga lalawigan ng Isabela at Nueva Vizcaya.

Sa Isabela, naitala ang bentahan ng fresh palay sa halagang ₱22 kada kilo sa mga bayan ng Cabatuan, Luna, San Mateo, Ilagan City, Sta. Maria, Quirino, Alicia, Sto. Tomas, at Tumauini. Samantala, ang tuyong palay ay umaabot sa ₱27 hanggang ₱31 kada kilo depende sa kalidad at lokasyon ng bentahan.

Sa Nueva Vizcaya naman, nasa ₱19.50 hanggang ₱24.50 kada kilo ang farm gate price ng fresh palay sa mga bayan ng Bagabag, Bayombong, Solano, at Villaverde. Wala pang naitatalang bentahan ng tuyong palay sa lalawigan sa kasalukuyan.

--Ads--

Sa usapin ng produksyon, umabot na sa 8,513.24 ektarya ang naaning palayan sa Nueva Vizcaya na may katumbas na 26,765.90 metriko tonelada ng palay. Sa Isabela, nakapagtala ng 1,254.10 ektarya na ani na may kabuuang 5,342.44 metriko tonelada.

Bagama’t hindi pa ganap na nagsisimula ang anihan sa Quirino at Cagayan, nakapagtala na ng kabuuang 9,777.34 ektaryang naani sa mga nabanggit na lugar, na may kabuuang produksyon na 37,335.28 metriko tonelada.

Patuloy namang mino-monitor ng DA-RFO 2 ang galaw ng presyo at produksyon ng palay sa rehiyon upang matiyak ang sapat na suplay at patas na kita para sa mga magsasaka sa gitna ng panahon ng anihan.