--Ads--

Doble at triple na ang pagtaas sa presyo ng ilang prutas na ibinebenta sa lungsod ng Cauayan siyam na araw bago ang araw ng pasko.

Kinumpirma ito ng mga fruit vendor sa lungsod kung saan aminado silang araw-araw na may pagtaas sa presyo ng prutas at maging silang nagtitinda ay hindi rin ito kontrolado.

Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay Kimberly Jaronel, fruit vendor, sinabi niya na ang kanilang problema bukod sa kakulangan ng suplay ay ang pagtaas ng presyo nito dahil karamihan ay imported mula US o di naman ay nagmumula sa Davao.

Ilan sa mga prutas na biglang tumaas ang presyo ay ang Indian Mango na ngayon ay P150 na mula sa dating P50 lamang, ang dragon fruit na P240/kl na mula sa dating P150, US grapes na P240/kl, pomelo na P150, longgan na P200/kl at kiat kiat na P100.

--Ads--

Maging ang mga prutas na nabibili ng tingi-tingi ay nagtaas na rin ang presyo tulad na lamang ng mansanas na umabot na sa P15-P35 kada piraso, kiwi na P40, Lemon na P25, peras P35, ponkan P35 at iba pa.

Aasahan pa aniya na mas lalong tataas ang presyo sa mga susunod na oras subalit paglilinaw naman nila na gagawa pa rin sila ng fruit basket upang ma afford ng mga mamimili.

Dagdag pa rito, sa kabila ng pagtaas ng presyo ng mga nabanggit na prutas ay aasahan naman ang sapat na suplay sa mga ito maliban na lamang sa lansones at rambutan na wala nang suplay sa Isabela maging sa karatig na mga probinsya dahil sa epekto ng nagdaang mga bagyo.