CAUAYAN CITY – Inihayag ng Kagawaran ng Pagsasaka sa ikalawang rehiyon na gumaganda na ang presyo ng wombok at repolyo sa merkado.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Executive Director Mary Rose Aquino ng Department of Agriculture (DA) Region 2, sinabi niya na simula noong nakaraang Linggo ay bumalik na sa normal ang presyo ng wombok at repolyo.
Aniya, dahil ito sa nabibili na ang oversupply ng mga nasabing gulay sa lalawigan ng Nueva Vizcaya.
Ayon kay Aquino, matagumpay ang ginawa nilang estratehiya na market buying o pagbili sa mga oversupply na produkto ng mga magsasaka.
Dahil dito ay marami nang mga KADIWA stores at ilang mga munisipalidad sa Isabela ang nagre-request ng supply ng mga nasabing gulay kahit isang beses kada isang linggo lamang.
Natutulungan aniya ng programa hindi lamang ang mga magsasaka kundi maging ang mga local consumers.
Kung tutuusin ay hindi sana magkakaroon ng oversupply ng wombok at repolyo sa Region 2 kung walang dumarating na supply mula sa Cordillera Administrative Region.
Batay sa datos, 80% ng supply ng reployo at wombok ay mula sa Cordillera habang 20% lamang ang mula sa Region 2.
Sa ngayon ay nasa P10 hanggang P15 na ang kada kilo ng wombok at repolyo.
Mas mataas ito kung ikukumpara sa dating presyo na P5 kada kilo.
Sa ngayon ay binabantayan naman ng kagawaran ang nalalapit na anihan ng sibuyas at kamatis sa susunod na buwan.