--Ads--

Nagpapatuloy ang preventive releasing ng NIA-MARIIS sa Magat Dam dahil sa nararanasang pag-ulan sa ilang bahagi ng Isabela, partikular sa mga lugar sa downstream.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Carlo Ablan, Division Manager ng Dam and Reservoir Division ng NIA-MARIIS, sinabi niya na as of 4:00 PM kahapon ay umabot na sa 186.54 meters above sea level ang antas ng tubig sa dam, na may inflow na 411 cubic meters per second at outflow na 490 cubic meters per second.

Mula nang manalasa ang Bagyong Uwan, pinanatili ng NIA-MARIIS na bukas ang isang spillway gate na may 1-meter opening.

Sa ngayon, wala pang rainfall warning sa mga lugar na sakop ng Magat Watershed. Gayunman, may mga pag-ulan sa downstream areas, partikular sa Quirino, Gamu, Aurora, at Cauayan City.

--Ads--

Binabantayan din nila ang mga rain gauges sa Quirino, Nueva Vizcaya, at Ifugao upang mapag-aralan kung gaano kalaking tubig ang kinakailangang pakawalan.

Tiniyak naman ni Ablan na mababa pa ang posibilidad na magdagdag ng gate opening, maliban na lamang kung tataas ang dami ng ulan sa mga susunod na araw.