Mananatiling nakabukas ang dalawang spillway gates ng Magat Dam na may apat na metrong pagbubukas at kasalukuyang water elevation na 185.60 metro, ayon sa National Irrigation Administration – Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS).
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Carlo Ablan, Division Manager ng NIA-MARIIS, aniya, inaasahang aabot sa 200 millimeters ang dami ng ulan na ibabagsak ng Bagyong Uwan, batay sa forecast ng PAGASA. Dahil dito, may posibilidad na madagdagan pa ang pagbubukas ng mga spillway gates upang mapanatili sa ligtas na lebel ang tubig sa dam.
Tiniyak ng pamunuan ng NIA-MARIIS na isinasagawa nang dahan-dahan ang anumang karagdagang pagbubukas upang maiwasan ang biglaang pagtaas ng tubig sa mga ilog na dinadaluyan nito. Sa kasalukuyan, panaka-naka pa lamang ang nararanasang pag-ulan sa Magat Watershed area.
Nagpaalala rin ang ahensiya sa mga mamamayan na iwasang magtapon ng basura sa mga ilog, lalo na sa Magat River, upang maiwasan ang pagbabara at posibleng pagbaha. Hinihikayat din ang publiko na makinig at sumunod sa mga abiso ng kanilang lokal na pamahalaan, lalo na kung kinakailangang lumikas para sa kaligtasan.
Patuloy ang mahigpit na pagbabantay ng NIA-MARIIS sa antas ng tubig sa Magat Dam habang papalapit ang Bagyong Uwan.











