Nagpasa si Senador Bam Aquino ng panukalang batas na layong kilalanin ang gasolina, diesel, at iba pang produktong petrolyo bilang basic necessities na maaaring isailalim sa mekanismo ng price control ng pamahalaan.
Ayon kay Aquino, “Nasa gitna ang Pilipinas ng krisis sa presyo ng langis, at ramdam na ramdam ito ng mga pamilyang Pilipino. Ang pagtaas ng presyo ng diesel at gasolina ay nagtutulak pataas sa gastusin sa transportasyon, pagkain, at iba pang pangunahing bilihin.”
Pagdaragdag ng produktong petrolyo sa Price Act (RA 7581) upang maisama sa mga pangunahing bilihin na maaaring lagyan ng price ceiling.
Pagpapalawig ng panahon ng price control mula 15 araw tungo sa 30 araw kung magpapatuloy ang pagtaas ng presyo.
Pagrepaso sa VAT at excise tax sa petrolyo. Giit ni Aquino, kung aalisin ang 12% VAT at excise tax, bababa ang presyo ng diesel ng halos ₱20 kada litro.
Bukod kay Aquino, may iba pang mga mambabatas na bukas sa ideya ng price ceiling sa langis at suspensyon o pagbabawas ng excise tax. Kabilang dito sina Rep. Sarah Elago ng Gabriela Party-list at mga senador Loren Legarda, Erwin Tulfo, Joel Villanueva, Kiko Pangilinan, JV Ejercito, Pia Cayetano, at Robin Padilla na nagtulak ng Senate Bill No. 1982.
Hinimok din ni Aquino ang Department of Energy at mga economic managers, kabilang ang Department of Finance at Department of Economy, Planning, and Development (DEPDEV), na pag-aralan ang VAT reforms bilang tugon ng pamahalaan sa krisis na dulot ng tensyon sa Gitnang Silangan.








