--Ads--

CAUAYAN CITY – Mahigpit ang ginagawang monitoring ng Department of Trade and Industry o DTI Isabela sa mga business establishment sa Lungsod ng Ilagan at bayan ng Roxas sa Isabela na nag-deklara ng State of Calamity dahil sa pananalasa ng bagyong Kristine.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Elmer Agorto, Consumer Protection Division Chief ng DTI Isabela, sinabi niya na patuloy ang ginagawa nilang monitoring sa mga nabanggit na lugar upang matiyak na nakasusunod ang mga negosyante sa panuntunan.

Kapag nasa ilalim kasi ng state of calamity ang isang lugar ay awtomatiko ang pagpapatupad ng price freeze sa mga pangunahing bilihin alinsunod sa Republic Act 7581 o ang Price Act of the Philippines.

Lahat naman aniya ng binisita nila ay nakakasunod naman sa panuntunan.

--Ads--

Maaari namang magmulta 2 milyong piso ang business establishment na mapapatunayang lalabag sa umiiral na price freeze at maaari pang matanggalan ng business license.

Pinayuhan naman niya ang mga mamimili mula sa lugar Isabela na nasa ilalim ng state of Calamity na kung nakitaan ng pagtaas ng presyo ang isang establisiyemento ay tandaan ang business name nito,  magkano ang presyong ipinataw at iulat sa kanilang tanggapan para sa agarang aksyon.

Nilinaw naman niya na ang umiiral na price freeze sa Lungsod ng Ilagan at bayan ng Roxas ay magtatagal lamang ng 60 araw.