
CAUAYAN CITY – Patuloy na ipinapatupad ng DTI Isabela ang price freeze sa mga pangunahing bilihin kasabay ng State of Calamity sa bansa bunsod ng African Swine Fever (ASF).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Provincial Director Winston Singun ng DTI Isabela na batay sa price act, kapag may deklarasyon ng state of calamity sa isang lugar ay awtomatikong magkakaroon ng price freeze sa mga pangunahing bilihin.
Dahil sa deklarasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na state of calamity sa bansa bunsod ng ASF ay awtomatiko ng may price freeze sa buong bansa.
Sakop nito ang mga kabilang sa basic necessities gaya ng isda at iba pang lamang pandagat, processed milk, kape, sabong panlaba, tinapay, asin, instant noodles, bottled water at kandila.
Aniya, kapag may prize freeze ay hindi puwedeng magkaroon ng pagtaas sa presyo ng mga naturang bilihin.
Sa ngayon ay naglabas na sila sa social media, palengke at pamilihang bayan ng presyo sa bawat lugar para malaman ng mga mamamayan ang presyo ng mga naturang bilihin sa kanilang lugar.
Gumawa rin sila ng listahan na puwedeng tingnan ng mga mamamayan na makikita sa facebook page ng DTI Isabela.
Ayon sa kanya, kapag may pagtaas sa mga naturang bilihin ay ireport lamang sa market supervisor ng kanilang pamilihan o di kaya ay sa negosyo center sa kanilang munisipyo at puwede rin sa facebook page ng DTI Isabela.
Papadalhan aniya nila ng letter of inquiry ang inirereklamo para pagpaliwanagin.
Ang price freeze na ito ay magtatagal ng animnapong araw kahit pa magtatagal ng higit pa sa 60 days ang state of calamity sa bansa.










