--Ads--

Posibleng bigyan ng 30 hanggang 60 araw na palugit ang pamunuan ng Primark Cauayan upang mapag-usapan ang kanilang mga opsyon kaugnay ng panukalang pag-revoke ng kanilang franchise at muling pagpapasakamay ng pamilihan sa LGU sa isinagawang committee hearing kahapon, Oktubre 8, 2025.

Pinangunahan nina Councilor Miko Delmendo at Councilor Atty. Paul Mauricio ang naturang pagdinig, kung saan tinalakay ang umano’y paglabag ng Primark sa mga batas ukol sa kalinisan at kapaligiran, gayundin sa mga probisyon ng kanilang Franchise at Lease Agreement.

Sa nasabing pagdinig, nakiusap ang panig ng Primark na bigyan sila ng sapat na panahon upang mapagpasyahan kung kanilang ituturn-over ang pamamahala ng palengke o kung babayaran at aayusin na lamang nila ang mga obligasyon, kabilang na ang isyu sa sanitation compliance.

Ipinahayag naman ni Vice Mayor Benjie Dy III ang kanyang pagkadismaya sa tila paulit-ulit na pagdinig sa parehong usapin, ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring konkretong aksyon mula sa panig ng Primark.

--Ads--

Sinubukan namang kunin ng Bombo Radyo News Team ang panig ng Primark, subalit tumanggi ang mga kinatawan nito na magbigay ng anumang pahayag kaugnay sa usapin.