Puspusan na ang ginagawang paghahanda ng Cauayan City para sa nalalapit na Miss Tourism Philippines 2025 na nakatakdang idaos sa darating na Oktubre 16, als-syete ng gabi sa F. L. Dy Coliseum.
Inaasahan ang pagdalo ng mga kandidata mula sa iba’t ibang panig ng bansa kabilang ang Tarlac, Quezon City, Nueva Vizcaya, Quirino Province, Cauayan City at iba pa. Sa Oktubre 10 ay pormal na sasalubungin ang mga kalahok na sasailalim sa press conference at photoshoot, at inaasahang mag-iikot din sila sa iba’t ibang pasyalan at pangunahing lugar sa lalawigan upang ipakita ang yaman ng turismo ng Isabela.
Mahigit dalawang buwan ang inilaan para sa masusing preparasyon ng pageant, na inaasahang magiging isa sa mga pinakaaabangang kaganapan sa lungsod ngayong taon.
Ayon kay Princess Diane Tutaan, kinatawan ng Cauayan City, buo ang kanyang loob at tiwala sa sarili sa kabila ng pressure na dulot ng kompetisyon. Hindi daw siya nakakaramdam ng kaba dahil alam niya well-prepared na siya. Hindi man naging madali, dahil sa tulong ng mga sumusuporta at ng LGU, nagiging magaan ang lahat.
Dagdag pa niya, ito ang unang pagkakataon na siya ay tatapak sa isang malaking entablado, ngunit tinitingnan niya ito bilang isang oportunidad na makapagbigay ng inspirasyon sa iba.
Inaanyayahan naman niya ang mga Cauayeño na suportahan siya sa darating na patimpalak. Aniya, gagamitin niya ang pageant na ito upang makapagbigay ng impluwensya at maisulong ang kaniyang adbokasiya para sa pagbabago.
Ang Miss Tourism Philippines 2025 ay inaasahang hindi lamang magiging patimpalak ng kagandahan kundi magsisilbi ring plataporma upang maipromote ang turismo at kultura ng mga kalahok na lungsod at probinsya.










