CAUAYAN CITY – Wala ng buhay nang matagpuan ang katawan ng isang principal sa isang kuwarto ng isang hotel sa Alibagu, City of Ilagan.
Ang principal ay 53 anyos, may asawa at residente ng Tumauini, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PSSg. John Paul Nicolas, investigator on case, sinabi niya na may natanggap silang report mula sa DART Rescue 831 tungkol sa nasabing pangyayari na agad naman nilang tinugunan.
Nagcheck-in umano ang principal sa naturang hotel kasama ang isang babae subalit pagkalipas ng isang oras ay nakatanggap ang receptionist ng tawag mula sa babaeng kasama nito at humihingi ng tulong medikal.
Nagpasya ang pamunuan ng hotel na tawagan ang DART Rescue 831 upang tugunan ang naturang pangyayari.
Agad dinala sa ospital ng rescue team ang principal ngunit idineklarang dead on arrival ng kanyang attending physician.
Walang nakitang palatandaan na nanlaban ang principal subalit patuloy ang imbestigasyon ng mga kasapi ng City of Ilagan Police Station upang alamin kung ano ang tunay na dahilan ng kanyang pagkamatay.
Napag-alaman din na matapos tumawag ang sinasabing babae ay bigla siyang umalis sa hotel.











