
CAUAYAN CITY – Magsasagawa ng private prayer vigil ang mga kamag-anak sa Santiago City ng pumanaw na si dating Senador Heherson “Sonny” Alvarez dahil sa Coronavirus Disease (COVID 19).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Nerissa Alvarez-Padolina, pamangkin ng dating Senador, sinabi niya na masakit para sa kanila na hindi makikita sa huling pagkakataon ang kanyang tiyuhin na itinuring niyang ikalawang ama dahil sa protocol na kapag namatay sa COVID 19 ay agad ililibing o ike-cremate.
Kahapon aniya ay inasikaso ng kanyang pinsan na si Hexilon Alvarez ang pag-remate sa bangkay ng yumaong ama.
Ayon kay Gng Padolina, sa mga nagdaang araw ay paiba-iba ang kalagayan ng tiyuhin na tatlong linggong nasa Intensive Care Unit (ICU) hanggang sa magkaroon ng kidney failure at halos araw-araw nang sumasailalim sa dialysis.
aNIYA, habang nasa ICU ay nagpapadala ang kanilang mga kamag-anak ng voice message at ipinaparinig sa kanya sa pag-asang makakapagbigay ito ng lakas sa kanya.
Hindi nila inasahan na masasawi ang dating Senador dahil sa COVID-19 sapagkat malakas siya sa mga nagdaang buwan bago nagkaroon ng Coronavirus outbreak sa bansa.
Sa ngayon tanging dasal ang maibabahagi ng mga kamag-anak ni dating Senator Sonny Alvarez sa Santiago City dahil hindi sila makapagsagawa ng pagtitipun dahil sa umiiral na Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Ayon pa kay Ginang Padolina, huling nag-usap ang kanyang tiyuhin at kanyang ina noong tumawag siya at sinabing hindi muna makakauwi sa Santiago City dahil sa ipinapatupad na ECQ.
Sinabi pa niya na 5 anyos lang siya nang yumao ang kanyang ama kaya ang tiyuhin ang tumayo nilang ama ng kanyang mga kapatid.
Hindi aniya mapapantayan ang suporta na ibinibigay sa kanila ng tiyuhin kaya mahirap niyang tanggapin ang biglaan niyang pagpanaw.
Nagpapasalamat din si Gng. Padolina sa maraming nagpapaabot ng pakikiramay sa kanilang pamilya sa pagpanaw ng kanyang tiyuhin.










