--Ads--

Nilinaw ng Department of Education (DepEd) na hindi obligadong sumunod ang mga pribadong paaralan sa planong three-term school calendar na ipatutupad sa mga pampublikong paaralan simula School Year 2026–2027.

Sa isang ambush interview, sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na mananatili ang kalayaan ng private schools sa pagbuo ng kanilang academic schedule, basta’t sumusunod ang mga ito sa itinakdang curriculum standards at required number of school days.

Ayon kay Angara, marami na ring pribadong paaralan ang boluntaryong gumagamit ng three-term setup. Ipinaliwanag din na magkaiba ang three-term system at trimester, kung saan sa trimester ay nagbabago ang mga subjects kada term, habang sa three-term ay pareho lamang ang mga subjects at hinahati lang ang school year sa tatlong bahagi.

Samantala, pinag-aaralan din ng DepEd ang pagpapatupad ng flexible learning arrangements para sa private schools, lalo na sa harap ng posibleng hamon gaya ng tumataas na gastos sa enerhiya.

--Ads--

Layunin ng ahensya na mapabuti ang paggamit ng instructional time at mabawasan ang disruptions sa academic calendar sa pamamagitan ng bagong sistema.

Ngunit kinuwestyon ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang pahayag ng DepEd na nagkaroon ng malawakang konsultasyon sa mga guro. Ayon sa grupo, kulang umano ito sa tunay na partisipasyon at mas “top-down” ang naging proseso.

Nakatakdang ilunsad ang three-term school calendar sa School Year 2026–2027.