Inihayag ni Leyte Representative Ferdinand Martin Romualdez na parang script lamang at paulit-ulit ang mga pahayag ni Senator Chiz Escudero sa kanyang privilege speech, na puno ng mga akusasyong walang basehan na karaniwang makikita sa mga troll pages at social media posts.
Matatandaang binasag na ni Senador Francis Escudero ang katahimikan matapos masangkot sa sinasabing suhulan sa flood control projects.
Giit ni Escudero, sarsuwela lamang ito ni Representative Martin Romualdez na nililihis lang aniya ang galit at atensiyon ng publiko. Itinanggi ito ng dating speaker.
Sa isang pahayag, ipinahayag ni Romualdez ang kanyang pagkadismaya dahil sa halip na magbigay ng malinaw na paliwanag, inakusahan siya ni Escudero ng pagkakadawit sa isyu ng korapsyon sa mga flood control projects.
Aniya, malinaw na hindi tungkol sa pananagutan ang talumpati ni Escudero kundi isang paraan upang itaguyod ang kanyang personal na ambisyon, interes, at mga plano sa politika.
Para kay Romualdez, ang ginawa ni Escudero sa Senado ay paraan upang ipakita ang kanyang suporta kay Vice President Sara Duterte at maihanda ang sarili para sa darating na 2028 elections.
Nangako si Romualdez na patuloy siyang makikipagtulungan sa isang patas na imbestigasyon at tiniyak na wala siyang itinatagong impormasyon.
Dagdag pa niya, kung tunay nga ang hangarin ni Escudero na magpanagot, mas mainam na ito’y gawin sa presinto kung saan dapat siya magpaliwanag.











