--Ads--

Matagumpay na naisagawa ng Police Regional Office 2 ang Simultaneous Anti-Criminality and Law Enforcement Operations (SACLEO) mula Setyembre 24 hanggang Oktubre 1, 2025.

Sa nasabing operasyon, nagresulta ito sa pagkakaaresto ng mga Most Wanted Persons, pagkakasamsam ng mga ilegal na droga, at pagkakarekober ng mga baril at pampasabog sa iba’t ibang lalawigan ng Cagayan Valley.

Kabilang sa mga naaresto ang limang indibidwal na kabilang sa listahan ng mga Most Wanted sa rehiyon, kasama ang 68 pang wanted persons na hinuli sa magkakahiwalay na operasyon ng pulisya.

Sa kampanya laban sa iligal na droga, 19 na suspek ang naaresto kung saan nakumpiska ang shabu na nagkakahalaga ng ₱154,000.00 at marijuana na tinatayang ₱24,000.00 ang halaga.

--Ads--

Samantala, siyam (9) na katao ang naaresto sa dalawang operasyon laban sa iligal na sugal, habang lima (5) naman ang nadakip dahil sa paglabag sa Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, kung saan tatlong baril ang nasamsam. Bukod dito, 13 pang iba’t ibang uri ng baril ang nakarekober sa iba pang operasyon.

Sa kampanya laban sa iligal na pagtotroso, nasamsam ng mga awtoridad ang 78 board feet ng hindi dokumentadong kahoy na tinatayang nagkakahalaga ng ₱11,000.00, na nagresulta rin sa pagkakaaresto ng tatlong indibidwal.