Dumalaw si Police Regional Office 2 Regional Director, PBGEN Roy Parena, sa burol ni PEMS Danilo Binondo sa bayan ng Piat, Cagayan upang magbigay ng taos-pusong pakikiramay at magpugay sa isang kasamang nagbuwis ng buhay sa ngalan ng tungkulin.
Sa kanyang pagdalaw, personal na inabot ni PBGEN Parena ang tulong pinansyal sa naiwang pamilya ni PEMS Binondo bilang munting suporta sa gitna ng matinding pagdadalamhati. Buong puso rin niyang tiniyak sa naulilang pamilya na mabibigyan ng hustisya ang pagkasawi ni PEMS Binondo.
Samantala, binisita rin ni PBGEN Parena si PEMS Manuel Deodato sa ACE Medical Center upang kumustahin ang kanyang kalagayan at tiyaking matatanggap niya ang lahat ng kinakailangang suporta para sa kanyang agarang paggaling.
Kasama sa pagbisita sina PCOL Mardito Anguluan, Provincial Director ng Cagayan Police Provincial Office at PCOL Edith Narag ang Chief, Regional Comptrollership Division.
Matatandaan na nasawi si PEMS Binondo matapos ang pamamaril ni PEMS Aldrin Roma sa FVP checkpoint sa Brgy. Gaddangao, Rizal, Cagayan.
Sa ulat ng Pulisya nagsasagawa ng mobile patrol ang suspect na si PEMS Roma sa Brgy. Mauanan hanggang Brgy. Gaddangao. Nang makarating sa lugar ng insidente partikular sa FVP checkpoint ay tinutukan ng baril ni PEMS Roma si PCPT. German Taliping.
Sinubukan nina PEMS Manuel Abella Deodato Jr. at PEMS Danilo Bacud Binondo na pakalmahin ang suspek subalit pinaputukan sila.
Bilang resulta ay nagtamo ng sugat ang mga biktima na agad dinala sa Bulagao District Hospital subalit idineklarang dead on arrival si PEMS Binondo habang inilipat naman sa ACE Medical Center si PCpt. Taliping na nagtamo ng tama ng bala sa kanang hita para sa karagdagang gamutan.











